MANILA – Asymptomatic na ang pasyente na siyang unang nagpositibo sa bagong COVID-19 variant sa bansa at naghihintay na lang ng medical clearance, ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Sa isang press briefing, sinabi ni Belmonte na maayos na ng kalagayan ng 29-anyos na pasyente na naka-isolate ngayon sa isang pasilidad at hindi na kailangang dalhin pa sa hospital.
“Asymptomatic po siya, wala na po siyang mga sintomas, at hinihintay po natin na itapos ang kaniyang antibiotics and madeklara ng doktor na he is well. He is actually OK. Hindi na siya kinailangang ilipat sa ospital,” wika ni Belmonte.
“That proves of course na while data shows na itong variant na ito ay nakakahawa and that is actually what we are preparing for pero the effects ay hindi naman mas grabe doon sa original COVID-19 virus,” dagdag pa ng alkalde.
Ang nasabing pasyente ay bumalik sa bansa mula United Arab Emirates noong Enero 7. Habang nasa quarantine, lumabas na positibo ang kanyang swab test at noong Enero 13, sinabi ng Department of Health (DOH) na taglay niya ang bagong strain ng COVID-19 na unang nakita sa United Kingdom.
Muling iginiit ni Belmonte walang dapat ikatakot ang mga residente ng barangay kung saan nakatira ang lalake dahil hindi pa ito nakauwi sa kanila mula nang bumalik sa Pilipinas. (AI/FC/MTVN)