MANILA — Sa kanyang unang dalawang taon sa PBA, ipinakita ni CJ Perez na siya ang franchise player ng Terrafirma.
Nag-average si Perez ng 22.6 points, 7.1 rebounds, at 3.8 assists sa 44 laro niya sa PBA.
Kaya malaking hamon ngayon para kay coach Johnedel Cardel ang humanap ng mga manlalaro na susuporta sa kanyang superstar.
“Sabi ko sa kanya ikaw na yung Michael Jordan, Kobe Bryant, and Lebron James diyan. So you have to involve your teammates. Pagalingin mo sila,” wika ni Cardel.
Sa katatapos na Philippine Cup, muling nanguna si Perez sa scoring na may average na 24.4 kada laro ngunit hindi naman nakapasok ang Terrafirma sa playoffs sa ikaapat na sunod na season.
Alam ni Cardel na kailangan ni Perez ng tulong para maiahon ang Terrafima sa kinasasadlakan nito.
Sa ngayon, pinag-aaralan na ni Cardel kung sinong manlalaro ang huhugutin nila bilang No. 1 pick sa 2021 PBA Draft.
Maliban kay Perez, kabilang din sa Terrafirma sina Roosevelt Adams, Juami Tiongson, JP Calvo, Andreas Cahilig, Reden Celda, Glenn Khobuntin, Jeepy Faundo, Joseph Gabayni, Bonbon Batillier, at Christian Balagasay. (AI/FC/MTVN)