MANILA – Kasama na rin sa travel ban ang mga dayuhang biyahero mula sa United Arab Emirates (UAE) at Hungary bilang bahagi ng pagsisikap na mapigil ang pagkalat ng bagong uri ng COVID-19 na unang nakita sa United Kingdom
Kabilang ang dalawang bansa sa panibagong listahan na inilabas ng Office of the Executive Secretary (OES) ukol sa mga travel ban na may kinalaman sa UK strain, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ipatutupad ang travel ban sa dalawang bansa simula 12:01 a.m. ng Enero 17 hanggang Enero 31.
“Foreign passengers coming from or who have been to the UAE and Hungary within 14 days immediately preceding arrival in the Philippines shall be prohibited from entering the country effective Jan. 17, 2021, 12:01 a.m., Manila time until Jan. 31, 2021,” wika ni Roque.
Ang mga dayuhang biyahero na dumating sa bansa bago mag-Enero 17 ay makakapasok sa Pilipinas ngunit dapat silang sumailalim sa 14 na araw na facility-based quarantine kahit pa mayroon silang negatibong resulta sa transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test.
Ayon pa kay Roque, ang mga Pilipinong nais umuwi ng bansa ay papapasukin ngunit kailangan nilang dumaan sa 14 na araw na facility-based quarantine.
“Filipino and foreign passengers merely transiting through these two countries shall be covered by the rules, as provided in the Memorandum from the Executive Secretary dated Dec. 31, 2020,” wika pa ni Roque. (AI/FC/MTVN)