MANILA – Makatatanggap ng kompensasyon ang mga volunteer na sasali sa World Health Organization’s (WHO) Solidarity Trial kapag nakaranas sila ng negatibong reaksiyon habang ginagawa ang clinical trial ng gagamiting COVID-19 vaccines ayon sa isang opisyal ng Department of Science and Technology (DOST).
Sinabi ni Jaime Montoya, executive director ng Philippine Council for Health Research and Development ng DOST, gagamitin ng WHO ang mga bakuna kontra COVID-19 na dumaan na sa phase 1 at phase 2 ng clinical trials sa ibang bansa.
Kahit malayo na magkaroon ng negatibong epekto sa mga volunteer ang mga gagamiting bakuna, sinabi ni Montoya na babayaran naman sila ng WHO kapag may nangyari sa kanila.
“Kung may mangyari, minor or major, ito ay sasagutin ng WHO. Tutulungan ng WHO. Merong inalaang pondo para magamit sa mga volunteer,” paliwanag ni Montoya.
“Pero kailangan maipaliwanag sa mga magvo-volunteer sa Solidarity Trial ang detalye ng bakuna,” dagdag pa niya.
Target ng DOST na makahanap ng 15,000 volunteers para sumali sa WHO Solidarity Trial, na gagawin sa Metro Manila sa huling bahagi ng Enero o sa pagsisimula ng Pebrero.
Ang mga kalahok ay dapat 18 anyos hanggang 59 anyos. (AI/FC/MTVN)