7 patay sa pagbagsak ng Air Force chopper sa Bukidnon

7 patay sa pagbagsak ng Air Force chopper sa Bukidnon

MANILA – Patay lahat ang pitong sakay ng UH-1H helicopter ng Philippine Air Force (PAF) na bumagsak kahapon sa Barangay Bulonay sa Bukidnon.

Sa isang pahayag, sinabi ng PAF na ang nasabing helicopter, kasama ang isa pang UH-1H, ay maghahatid sana ng supply para sa 8th Infantry Battalion ng Philippine Army nang mangyari ang aksidente.

Ayon kay Major Rodulfo Cordero, public affairs chief ng 4th Infantry Division, lumilipad ang helicopter sa bulubunduking lugar sa bayan ng Impasugong mula Malaybalay City nang magkaroon ito ng problema sa makina bandang alas-2:30 ng hapon.

Sinubukan ng piloto na i-crash-land ang helicopter ngunit nabigo, na humantong sa pagkamatay ng lahat ng pitong sakay nito, kabilang ang apat na crew at tatlong pasahero na kinabibilangan ng isang sundalo at dalawang CAFGU.

Nakuha na ng Army ang bangkay ng mga nasawi.

Sinabi naman ng Air Force na agad silang magpapadala ng grupo ng imbestigador para alamin ang sanhi ng pagbagsak ng helicopter.

“The PAF assures the public, that all of its air assets, including the UH-1H, undergo strict, regular, and redundant maintenance inspections before and after flight missions,” wika ng Air Force sa isang pahayag.

Nakiramay rin ang Air Force, sa pangunguna ni Commanding General Lt. General Allen Paredes, sa pamilya ng mga nasawi at nangakong magbibigay ng kailangang tulong. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply