MANILA – Mabagal ang pagbangon ng ekonomiya at mga negosyo kung hindi luluwagan ang edad ng puwedeng lumabas at magtungo sa mga mall at iba pang establisimyento.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, dapat ay magkaroon na ng aktibidad ang mga pamilya upang bumilis ang pagrekober ng mga negoosyo sa bansa.
“Because if the family activities don’t come back, we cannot expect the economy to also grow like before. As I mentioned, we are a consumption-driven economy and a big part of that is family-driven,” wika ni Chua.
Sa kasalukuyan, hindi pa pinalalabas ng bahay ang mga batang may 15 pababa sa ilalim ng ipinatutupad na panuntunan ngayong may pandemya,
Bago rito, sinabi na ng Department of Trade and Industry (DTI) na sang-ayon silang luwagan ang age restrictions basta’t nasusunod ang health protocols.
“Dahil po diyan, kung tayo ay talagang nagnanais makabalik at maka-recover ang ating ekonomiya, kailangan talagang dahan-dahanin din natin ang pagluluwag pagdating sa age restriction,” wika ni Trade Sec. Ramon Lopez.
Pero sa ngayon, hindi pa masabi kung kailan luluwagan ang edad ng mga puwedeng lumabas, lalo pa’t nasa bansa na ang bagong uri ng COVID-19 na sinasabing mas nakahahawa. (AI/FC/MTVN)