UTOS NI PRRD: DPWH ENGR. NICOLAS, IBA PA, SAMPAHAN NG KASONG CORRUPTION

UTOS NI PRRD: DPWH ENGR. NICOLAS, IBA PA, SAMPAHAN NG KASONG CORRUPTION

DPWH Secretary Mark Villar

MANILA — Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na sampahan ng kasong korapsyon ang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Lungsod ng Pasig na si Engineer Roberto “Bobby” Nicolas at apat pa niyang mga kasamahan dahil sa P4 milyong ‘padulas’ sa P70 milyong proyekto ng nabanggit na kagawaran.

Ang apat na kasamahan ni Nicolas ay sina Tess Orquia, Engr. Melody Domiguez, Engr. Luisito Ponancio at Vilma Gomez.

Bukod sa kasong korapsyon, sasampahan din sina Nicolas, Orquia, Dominguez, Ponancio at Gomez ng unethical conduct dahil kawani sila ng pamahalaan at bribery dahil pagtanggap ng apat na milyon mula sa sinasabing isa sa mga contractor ng proyekto ng DPWH.

Kinumpirma ito ni DPWH Secretary Mark Villar.

Ayon kay Villar, sasampahan din ang lima ng kasong administratibo upang matanggal sila sa DPWH.

Bilang kagyat na hakbang, sinuspinde na ni Villar sina Nicolas at tatlo pa, maliban kay Gomez dahil retirado na ito.

Ayon kay Presidential Anti – Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica, ang P4 – milyong padulas ay “paunang bigay” sa P20 milyong “standard operating procedure” (SOP) para “makuha” ang P70 milyong halaga ng proyekto ng DPWH na steel parking.

Ipinaliwanag ni Belgica na ang P20 milyon ay ang halagang “napagkasunduan” na SOP daw sa pagitan ng mga DPWH-Pasig district engineer at kontraktor.

Ang batayan ni Belgica sa naganap na pagtanggap umano nina Orquia at Gomez ng P4 milyon mula sa ‘kinatawan’ ng kontraktor ay “video footages” kung saan nakunan ang iligal na transaksiyon.

Tiniyak ni Belgica na “totoo” at “beripikado” ang video footages ng PACC.

Ang kinatawan ng kontraktor sa transaksiyon ay “asset” ng PACC.

Idiniin ni Belgica na sangkot si Engr. Nicolas sa iligal na transaksiyon kahit wala siya sa pangyayari dahil sa kanyang opisina mismo naganap ang nasabing krimen.

Tapos, si Gomez ay dating miyembro ng staff ni Nicolas, ngunit nagretiro na ito.

Ayon sa naunang lumabas sa ibang media company, si Gomez ay “bagman” o “kolektor” daw ni Nicolas.

Ibinunyag ni Belgica na maraming reklamong natanggap ang PACC hinggil sa akusasyong korap si Engr. Nicolas, ngunit walang makalap na sapat, matibay at malakas na mga ebidensiya laban sa inhinyero.

Aniya, ang video footages hinggil sa P4 milyong SOP ay malinaw na ebidensiya laban kay Nicolas at ng kanyang mga kasapakat sa korapsyon sa DPWH-Pasig.

Walang nabanggit si Belgica na sangkot ang kongresista ng Pasig na si Rep. Roman Romulo sa korapsyon sa proyekto ng DPWH.

14 DE tinanggal ni Villar

Ngunit, ang mga nabanggit na labing-apat na DPWH district engineers ay tinanggal ni Villar sa kani-kanilang puwesto bilang pagtalima nito sa utos ni Duterte.

Nahaharap sa kasong korapsyon ang labing-apat na maaaring makulong sila sa kasong administratibo at tuluyan naman silang matanggal sa DPWH.

Ang nagaganap na aksiyon laban sa DPWH ay bahagi ng paglilinis ng liderato ng kasalukuyang administrasyon hinggil sa napakalaganap na katiwalian, korapsyon at pandarambong sa mga kagawaran at ahensiya ng pamahalaan.

Ang Task Force Against Corruption (TFAC) na pinamumunuan ng Department of Justice (DOJ) ay nag-iimbestiga na rin sa DPWH makaraang kunin nito ang trabaho mula sa PACC dahil hirap na hirap makakuha ng mga ebidensiya ang huli laban sa mga pinaniniwalaang korap sa DPWH. (AI/MTVN)

Leave a Reply