MANILA — May kabuuang 2,163 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala ng Department of Health (DOH) ngayong araw, Lunes, 18 January 2021, na nagdala sa national tally ng coronavirus sa bansa na lagpas na sa kalahating milyon partikular na sa 502,736.
Sa naturang bilang ngayong araw, aanguna ang Davao City sa dami ng bagong kaso sa bilang na 134 kasunod ang Cagayan na may 100, Quezon City na may 99, Leyte na may 93, at Cavite na may 75.
Labing-apat (14) naman diumano ang pasyente na pumanaw sa parehong araw sanhi ng COVID-19 na nag-akyat sa death toll sa 9,909 ng bansa.
Dalawa (2) lang ang naitalang gumaling ngayong araw, na siyang pinakamababang bilang ng recovery sa isang araw mula noong Abril ng nakaraang taon. Sa kabuuan, nasa 465,988 na ang gumaling sa virus.
Apat na laboratoryo naman ang hindi nakapagsumite ng report sa oras.
Buong mundo
Sa buong mundo, pumalo na sa 95,494,097 ng bilang ng COVID-19, kung saan 68,209,787 na ang gumaling habang 2,039,918 naman ang nasawi.
Nasa 25,244,392 pa ang aktibong kaso, kung saan 25,131,239 o 99.6 porsiyento ang nasa mild condition habang 113,153 o 0.4 porsiyento ang kritikal o malala.
Una pa rin ang Estados Unidos pagdating sa bilang ng kaso na may 24,482,050 na sinundan ng India (10,572,672), Brazil (8,488,099), Russia (3,568,209), United Kingdom (3,395,959);
Pang-anim ang France (2,910,989), na sinundan ng Turkey (2,387,101), Italy (2,381,277), Spain (2,252,164) at Germany (2,050,099). (AI/FC/MTVN)