MANILA — Kagyat at pormal na inindorso ngayon ng Tanggapan ng Gobernador sa Regional Inter Agency Task Force (RIATF) ang kahilingan ni Mayor Jefferson Soriano na isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa loob ng sampung (10) araw ang buong Tuguegarao.
Batay sa sulat ni Mayor Soriano, hiningi nito ang pahintulot ni Gov. Manuel Mamba na isailalim sa ECQ ang kalunsuran mula 12:01AM ng Enero-20 hanggang hatinggabi ng Enero-29.
Nakasaad din sa kahilingan na maaring palawigin pa ng karagdagang limang (5) araw o hanggang Pebrero-03 kung higit lalala ang sitwasyon.
Sadya aniyang nakaka-alarma na ang patuloy na pagdami ng mga kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa siyudad matapos ang nagdaang holiday season.
Katunayan anang alkalde, sa nakalipas na pitong (7) araw ay karaniwang hindi bumababa sa 21-kaso ang naitatala kada araw.
Ngayon araw ng Lunes, Enero-18, ay nasa 236 ang aktibong kaso ng Covid-19 sa lungsod kung saan mula sa 49 na kabuuang bilang ng barangay ay 30-barangay (61%) sa mga ito ang may kaso ng virus.
Kaugnay nito ay agaran ngang inindorso ng Tanggapan ng Gobernador sa pamamagitan ng kaniyang Chief of Staff na si Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, ang kahilingan ng alkalde.
Matatandaang noon pang nagdaang buwan ng Disyembre 2020 ibig ni Gov. Manuel Mamba na isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) o kaya ay Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Tuguegarao dahil sa lumalalang bilang ng kaso ng Covid-19.
Ibig din ng ama ng lalawigan na malimitahan ang kilos ng mga mamamayan sa siyudad sa panahon ng holiday season dahil sa mataas na peligro ng pagdami ng kaso.
Magugunitang hindi inayunan ng RIATF ang ibig mangyari noon ni Gov. Mamba at mas kinatigan ang kahilingan ni Mayor Soriano na payagan ang lokal na pamahalaan na maibaba ang kaso bago mag Disyembre-20.
Pagsapit ng Disyembre 20 ay hindi naibaba ang bilang ng tinatamaan ng Covid-19 hanggang sa labis pang lumalala sa ngayon.
Sa kabilang banda, pinahahanda na ni Gov. Manuel Mamba ang 500-kaban ng bigas para pang-ayuda sa Lungsod ng Tuguegarao.
Inihahanda na rin ang mga foodpacks para sa mga senior citizens sa siyudad na may edad 70-pataas.
Pinapatasa na rin ng ama ng lalawigan kung anu-ano pa ang maaaring iayuda sa mga mamamayan ng Tuguegarao para ibsan ang anumang epekto ng pagsasailalim sa ECQ lalo na sa kabuhayan.
Nakatutok din ang gobernador sa bayan ng Baggao at pinahahanda na rin ang 300-kaban ng bigas para pang-ayuda sa nasabing bayan na pumapangalawa sa pinakamataas na bilang ng kaso ng Covid-19 sa lalawigan.
Karagdagan pa dito ay pinahahanda na rin ni Gov. Mamba sa Provincial Treasurer’s Office ang pagrelease ng tig-50-libong piso na tulong pinansyal sa bawat apektadong barangay sa Tuguegarao at maging sa bayan ng Baggao.(AI/MTVN)