MANILA – Binalaan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang publiko ukol sa scammers na nag-iisyu umano ng pekeng “travel exemption letters” na hinihingi sa mga dayuhang papasok sa bansa sa gitna ng ipinatutupad na travel ban kaugnay ng COVID-19 pandemic.
Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na hindi ito nangongolekta ng anumang bayad para sa travel exemption o naningingil ng anuman sa mga dayuhan na pinapayagang pumasok sa bansa batay sa patakarang inilatag ng pamahalaan.
“We do not collect any ‘travel exemption’ fees nor charge foreign nationals permitted to enter the country in accordance with the protocols laid down by the IATF and the Office of the President,” wika ni Assistant Secretary for Consular Affairs Neil Frank Ferrer.
Noong nakaraang taon, pansamantalang sinuspinde ng DFA ang pagbibigay ng visa at iba pang pribilehiyo dahil sa pandemya.
Pinalawig din ng gobyerno ang travel ban sa mga dayuhan galing sa mahigit 30 bansa hanggang katapusan ng Enero upang mapigil ang pagkalat ng bagong strain ng COVID-19.
Sa pareho ring pahayag, nilinaw ni Ferrer na hindi naniningil ang mga embahada at konsulada ng Pilipinas sa booking appointments para sa consular at passport services.
“The Department has received reports that some enterprising individuals are taking advantage of the pandemic by pretending to provide assistance to book a passport appointment in exchange for money,” ani Ferrer.
Maaaring magtanong at magparating ng reklamo sa DFA hotline (8836-7763 o 09683958599) o sa pamagitan ng email (oca.visa@dfa.gov.ph), o di kaya sa opisyal na social media pages ng DFA. (AI/FC/MTVN)