DOH: Wala pang dahilan para bawiin ang EUA sa COVID-19 vaccine ng Pfizer

DOH: Wala pang dahilan para bawiin ang EUA sa COVID-19 vaccine ng Pfizer

MANILA — Wala pang nakikitang matibay na dahilan ang pamahalaan para bawiin ang emergency use authorization (EUA) na binigay ng Food and Drug Administration (FDA) sa COVID-19 vaccine ng Pfizer-BioNTech habang iniimbestigahan pa ang pagkamatay ng ilang matatanda sa Norway, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Ginawa ni Vergeire ang pahayag kasunod ng ulat na 23 katao sa Norway na may edad 75 hanggang 80 anyos at may malalang sakit ay namatay matapos turukan ng COVID-19 vaccine na gawa ng Pfizer-BioNTech.

“They (Norway authorities) are still looking into it. They don’t think it is related, pero pinag-aaralan pa nila,” wika ni Vergeire sa isang online briefing.

“Wala pang sufficient evidence na ‘yan ang cause ng death kaya status quo muna tayo sa EUA na ibinigay ng FDA sa Pfizer-BioNTech,” dugtong pa niya.

Nang bigyan nito ng EUA ang bakuna ng Pfizer-BioNTech, sinabi ng FDA na epektibo ito sa 95 porsiyento ng tinatawag na study population at 92 porsiyento sa lahat ng lahi, batay na rin sa kanilang pagsusuri.

Tanging ang COVID-19 vaccine na gawa ng Pfizer-BioNTech ang nakakuha ng EUA mula sa FDA habang nakabimbin naman ang aplikasyon ng Sinovac, AstraZeneca at Gamaleya. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply