MANILA — Sa ngayon, hawak ni Barangay Ginebra point guard LA Tenorio ang korona bilang “Iron Man” ng PBA.
Mula nang pumasok sa liga bilang fourth overall pick ng San Miguel Beer noong 2006 Draft, hindi pa nakapagmintis ng kahit isang laro ang 36-anyos na si Tenorio.
Ngunit hindi pa rin kuntento si Tenorio at nais pa niyang dagdagan ang kanyang record na 663 sunod-sunod na laro sa ika-46 season ng liga.
“Hindi ko ma-explain kung paano ko nagagawa talaga,” wika ni Tenorio nang tanungin kung mayroon sikretong formula ang kanyang tibay sa paglalaro.
“But the bottom line is getting ready every game — physically, mentally, emotionally — setting aside all the problems kung ano meron ako sa labas ng basketball court,” dagdag pa niya.
Para kay Tenorio, ang nagtutulak sa kanya ay ang kagustuhang maglaro at makasama ang mga kakampi, na tinawag niyang “comfort zone.”
Lalo pang napatunayan ang tibay ni Tenorio nang sumabak siya para sa Gin Kings noong PBA bubble sa Clark ilang araw matapos sumailalim sa appendectomy.
Malaki ang papel na ginampanan ni Tenorio sa pagkopo ng Ginebra sa Philippine Cup title kamakailan. (AI/FC/MTVN)