MANILA – Magdodoble ingat ang Pilipinas sa pagpili ng COVID-19 vaccine na ituturok sa mga matatanda matapos masawi ang 23 Norwegian senior citizens na binigyan ng Pfizer vaccine, ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr.
Ayon kay Galvez, titiyakin ng pamahalaan na hindi mangyayari sa Pilipinas ang kahalintulad na insidente kapag nagsimula na ang vaccination program sa bansa.
“Ang ating goal is zero casualty and as much as possible, very close watch,” wika ni Galvez.
“Ang task group na ginawa namin dito ay isang task group ng mga vaccine expert para talagang alalayan. Susuriin talaga natin ‘yung mga history, titignan natin,” dagdag pa niya.
Batay sa ulat ng Norwegian Medicines agency, ang 23 namatay ay may kaugnayan sa pagbakuna kontra COVID-19.
“Common adverse reactions may have contributed to a severe course in elderly people who are frail,” sabi sa ulat.
Nang malaman ang balita, agad nakipag-ugnayan si Galvez kay Health Secretary Francisco Duque III patungkol sa kanilang planong pagbakuna sa mga matatanda sa bansa.
“Sinabi namin na mas maganda ‘yung original plan namin na 18 hanggang 59 [years old] lang muna at hahanap tayo ng bakuna na pang-matanda talaga,” wika ni Galvez. (AI/FC/MTVM)