LGUs naghahanda na sa pagdating, pag-iniksiyon ng COVID-19 vaccines

LGUs naghahanda na sa pagdating, pag-iniksiyon ng COVID-19 vaccines

MANILA – Naghahanda na ang local government units sa buong bansa ng kani-kanilang COVID-19 vaccination programs, simula sa pagbuo ng listahan ng mga residente na pumayag magpaturok ng bakuna.

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay na simulan na ang pag-finalize ng listahan ng mga residente na nais tumanggap ng bakuna, kung saan uunahin muna ang frontline healthcare workers.

“Uunahin natin siyempre magmula doon sa mga barangay tanod, barangay health worker, basta lahat ng nagtratrabaho diyan, tapos ang kasunod niyan, mga senior citizen,” wika ni DILG Undersecretary Martin Dino.

Ngunit sinabi ni Union of Local Authorities of the Philippines chairman at Quirino Governor Dakila Cua na dapat muling i-check ang nasabing listahan dahil may opsiyon na tumanggi ang mga prayoridad na indibidwal.

“Ito bang si Mr. Juan Dela Cruz gusto ba niyang magpabakuna o hindi? Priority nga siya, pero minsan ayaw naman niya. So Kailangan natin linisan pa ‘yung mga listahan at diyan, napakalaking trabaho pa,” wika ni Cua.

Ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ay naglagay na ng paunang 10 lugar bilang vaccinations sites habang ang Navotas naman ay hiniling sa Department of Education (DepEd) kung maaaring gamitin ang mga paaralan bilang vaccination centers.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Bureau of Customs (BOC) sa iba pang mga ahensiya ng pamahalaan ukol sa mga gagawing hakbang pagdating ng bakuna sa bansa. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply