MANILA – Kahit hindi sinasabi ng gobyerno ang tunay na presyo nito, tiniyak ni presidential spokesperson Harry Roque na ang halaga ng Sinovac vaccine ng China ay hindi lalayo sa P650 lang bawat dose, tulad ng halaga nito sa ibang bansa.
Sa isang panayam sa radyo, ipinaliwanag ni Roque kung bakit hindi puwedeng banggitin ng gobyerno ang eksaktong presyo ng Sinovac sa publiko.
“Ang presyo kasi ng Tsina, hindi gaya ng ibang kompanya na kapitalista na market dictated. Ang presyo ng Tsina puwede nilang baguhin. Wala silang pakialam, depende kung sino ang bibili,” wika ni Roque.
“‘Yun ang dahilan kung bakit ayaw ipa-anunsiyo mismo ng Tsina kasi nga baka magalit ‘yung hindi nila masyadong BFF na alam nilang bumili nang mas mahal,” dugtong pa niya.
Ngunit sinabi ni Roque na bawat dose ng Sinovac ay hindi lalampas sa P650, gaya ng presyo nito sa Indonesia.
Taliwas ito sa ulat na aabot ang halaga nito sa P3,600 para sa dalawang dose.
“Fake news ‘yung kumakalat na P3,600 per dose daw ang singil ng China. Ang ating presyo, bagamat hindi pa puwedeng i-anunsiyo talaga kung ano talaga ang presyo ng Sinovac ay hindi lalayo sa presyo ng Indonesia na bandang P650 kada turok,” giit ni Roque. (AI/FC/MTVN)