DA walang planong i-regulate ang pagbebenta ng ornamental plants sa ngayon

DA walang planong i-regulate ang pagbebenta ng ornamental plants sa ngayon

MANILA – Good news sa mga plantito’t plantita!

Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na wala pa itong planong i-regulate ang pagbebenta ng ornamental plants sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Halos lahat po ng Pilipino gusto may tanim sa bahay or ornamental plants,” ayon kay DA Secretary William Dar. “Pero wala pa kaming balak na mag-regulate niyan.”

Ngunit umapela naman si Dar sa mga nagbebenta na panatilihing abot-kaya ang presyo ng ornamental plants.

“Dapat naman itong panahon ng pandemya ay huwag magsasamantala yung mga nagtitinda ng mga ornamental plants na iyan,” ani Dar.

Bago rito, ipinanukala ng Bureau of Plant Industry (BPI), isang attached agency ng DA, ang ilang panuntunan para ma-regulate ang industriya ng ornamental plants para matulungan ang maliliit na negosyo at matiyak ang kalidad para sa mga mamimili.

Sinabi ni BPI agriculturist Ernie Lito Bollosa na ang regulasyon sa presyo ay maaaring gawin sa tulong ng Department of Trade and Industry. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply