MANILA – Plano ng Department of Agriculture (DA) na gawing triple ang dami ng inaangkat na karneng baboy upang mapatatag ang presyo nito sa merkado.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na pinag-aaralan nang taasan ang minimum access volume ng inaangkat na karneng baboy.
Sa ngayon, nakalimita lang sa 54,000 metric tons ang pag-aangkat ng karneng baboy.
“Kasama po sa plano at pinag-aaralan na namin yung dagdagan itong minimum access volume to triple what is allowed. Ang allowed ngayon ay 54,000 metric tons isang taon,” wika ni Dar.
Gagawin ito ng ahensiya upang mapataas ang supply ng karne sa bansa sa harap na mataas na presyo ng baboy sa Luzon.
Lubhang nakaapekto ang African Swine Fever at bird flu sa supply ng baboy at manok sa Luzon.
Maliban pa rito, ilang magkakarne na ang tumigil sa operasyon sa gitna ng pandemya, na nakadagdag pa sa problema sa supply.
Sa kasalukyan, lumalaro sa P360 hanggang P370 ang baboy kada kilo sa mga pamilihang bayan. (AI/FC/MTVN)