MANILA — Binawi ni Defense Secretary Delfin N. Lorenzana ang kasunduan sa pagitan ng Department of National Defense (DND) at University of the Philippines (UP) na nagbabawal sa mga sundalo at pulis na pumasok sa lahat ng UP campus.
Sa kanyang sulat kay UP President Danilo L. Concepcion na may petsang Jan. 15, 2021, ipinaliwanag ni Lorenzana kung bakit kailangan nang iatras ang kasunduan na nilagdaan noong Hunyo 30, 1989.
Ayon kay Lorenzana, ginagamit ng mga recruiter at supporter ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang nasabing kasunduan para makakalap ng miyembro sa nasabing unibersidad.
“By reason of national security and safety of UP students, this Department intends to remedy this situation by terminating or abrogating the existing “Agreement” in order for us to perform our legal mandate of protecting our youth against CPP/NPA recruitment activities whose design and purpose is to destroy the democracy we have all fought for,” wika ni Lorenzana sa kanyang sulat kay Concepcion.
Ipinaabot din ni Lorenzana kay Concepcion na alam ng DND ang ginagawang patagong recruitment ng CPP-NPA sa loob ng mga UP campus sa buong bansa.
Patunay rito ang pagtukoy sa ilang estudyante ng UP bilang miyembro ng NPA, kung saan nahuli o sumuko ang ilan habang ang iba nama’y napatay sa engkuwento sa pulis at militar.
Ngunit nilinaw ni Lorenzana na walang plano ang DND na magtalaga ng pulis o sundalo sa loob ng UP campus o di kaya’y pagbawalan ang kalayaan sa pagpapahayag doon. (AI/FC/MTVN)