28 kompanya balak kunin ng pamahalaan para sa COVID-19 vaccine storage

28 kompanya balak kunin ng pamahalaan para sa COVID-19 vaccine storage

MANILA – Nakipag-ugnayan na ang pamahalaan sa hindi bababa sa 28 kompanya na may cold chain facilities para sa pag-iimbak ng COVID-19 vaccines, ayon kay Inter-Agency Task Force (IATF) Deputy Chief Implementer at testing czar Vince Dizon.

Ayon kay Dizon, may 28 pribadong kompanya ang nagmamay-ari ng tinatawag na pharmaceutical grade cold chain facilities na kailangan para mapreserba ang bisa ng COVID-19 vaccines.

“Nasa very advanced stage na po ang ating negotiations [with these companies] kaya makakapag-inspect na po ang ating vaccine czar (Carlito Galvez, Jr.), ang ating Secretary of Health (Francisco Duque III) at iba pong miyembro ng Task Force simula bukas,” sabi ni Dizon.

Kasama sa listahan ng pribadong kompanya ay ang Orca, Royal Cargo, Maersk Shipping, Zuellig Pharma, SMX Convention Center, Cebu Pacific, at marami pang iba.

“Nakikipag-coordinate rin tayo sa pharmaceutical companies na Unilab, Zuellig para sa tamang pag-transport at paghandle ng mga bakuna,” sabi ni Dizon.

Nakipagpulong na rin ang IATF mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor kung saan napag-usapan ang ginagawa nilang paghahanda para mapreserba ang bibilhin nilang bakuna.

Maliban sa pribadong sektor, sinabi ni Dizon na nakikipag-usap na rin sila sa ilang grupo gaya ng Cold Chain Association of the Philippines para matiyak na mayroong cold storage ng bakuna sa mga lalawigan. (AI/FC/MTVN)

Inter-Agency Task Force (IATF) Deputy Chief Implementer at testing czar Vince Dizon.

Leave a Reply