MANILA – Hindi magpapa-presssure ang Food and Drug Administration (FDA) na bigyan ng emergency use authorization (EUA) ang COVID-19 vaccines gawa ng China dahil lang sa kanilang donasyong bakuna.
Sa Laging Handa public briefing, iginiit ni FDA Director General Eric Domingo na walang kinalaman ang donasyong bakuna ng China sa pagbibigay ng EUA.
“Hindi po. Hindi po kasi related ‘yung donation at saka ‘yung EUA,” wika ni Domingo, na tinutukoy ang 500,000 dose ng bakunang ido-donate ng China.
Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Sabado na planong mag-donate ng China ng 500,000 dose ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas.
Itinanggi rin ni Domingo na pinapaboran nila ang Sinovac, na kamakailan lang nag-apply ng EUA para sa kanilang bakuna kontra COVID-19.
“Sa amin po, wala. We don’t even start officially our evaluation until the clinical trials Phase 3 results are received,” wika ni Domingo. (AI/FC/MTVN)