MANILA – Kahit nakopo pa ang Most Improved Player (MIP) award, sinabi ni Barangay Ginebra big man Prince Caperal na marami pa siyang kakaining bigas para maging magaling na manlalaro sa Philippine Basketball Association (PBA).
Nasungkit ni Caperal ang MIP trophy matapos tulungan ang Barangay Ginebra na mapanalunan ang Philippine Cup sa bubble sa Clark, Pampanga. Ito ang unang All-Filipino title ng Gin Kings mula noong 2007.
“It doesn’t stop there. Masaya ako na nakuha ko yung award. Pero work pa rin talaga to push myself to do better,” wika ng 27-anyos na si Caperal.
Tinalo ni Caperal para sa award sina Justin Chua (Phoenix), Raul Soyud (NLEX), Reynel Hugnatan (Meralco), Javee Mocon (Rain or Shine), at Jason Perkins (Phoenix).
Inamin ni Caperal na hindi niya inaasahang ang panalo, dahil karamihan ng kanyang karibal para sa parangal ay karapat-dapat din.
“Pero lahat naman ng nominated para sa award ay deserving din talaga, kaya happy ako na ako ang napili,” wika ni Caperal, na pinunuan ang posisyong iniwan ni big man Greg Slaughter.
“Ginawa ko yung trabaho ko. Kaya nag-ready ako nung lockdown, nagworkout talaga ako,” dagdag pa niya. (AI/FC/MTVN)