Ni Tracy Cabrera
MANILA — Isang makasaysayang gusali ng teatro sa puso ng Maynila ay muling bubuksan sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Isko Moreno.
Ito ang Metropolitan Theater (MET) na matatagpuan pagkababa ng tulay ng Quiapo sa bandang kaliwa.
Simula noong 1996 ay napabayaan na ang kalagayan nito subalit makalipas ang mahigit dalawang dekada ay muling magbubukas ito sa publiko makaraang makumpleto na ang planong pagbuhay muli nito ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at pamumuno ni Moreno, na kamakailan ay personal na bumisita sa kasalukuyang renovation works.
Nagbigay ng sulyap si NCCA chairman Arsenio ‘Nick’ Lizaso sa binuhay na MET at nagmamayabang siya na ang muling pagbubukas nito sa Abril 2021 ay pagwawakas ng mahabang pagpupunyagi na maibalik ang dating katanyagan at ningning ng teatro bilang simbulo ng sining at kultura sa kabisera ng bansa.
“Magbubukas muili ang newly-restored MET sa lahat ng Pinoy mula sa lahat ng antas ng ating lipunan. Ito’y dahil sa itinuturing itong teatro na teatro ng sambayanan,” wika pa ni Lizaso.

Idinagdag pa nito na ang restoration ng MET ay naging posible sa determinadong pagpupunyagi ng maraming indibiduwal na may iisang panaginip na buhaying muli ang isa sa kayamanan ng ating bansa partikular na ang suporta ng Manila.
“Magpupursigi kaming gawin ang lahat para maging karapat-dapat sa ‘ting adhikain at gayun din sa inaasahan ng ating mga kababayan,” ibinahagi ng chairman ng Komisyon sa pagbibigay parangal sa pagsasakatuparan ng isang panaginip na naganap sa kanyang kapanahunan.
Itatanghal sa Metropolitan Theater ang quincentennial evening show sa Abril 27 para komemorasyon ng ika-500 anibersaryo ng Tagumpay sa Mactan, na magsisilbing maiden show ng MET makalipas ang 25 taon mula ng ito ay mapasara.
Si Juan Arellano, isa sa unang mga pensionado sa arkitektura, na kilala din sa kanyang mga proyekto tulad ng Gusali ng Lehislatibo at Manila Central Post Office, ang nagdisenyo ng Manila Metropolitan Theater noong Enero ng taong 1930.
Pinadala siya sa Estados Unidos para magabayan ng isa sa mga eksperto ng pagdisenyo ng mga teatro na si Thomas W. Lamb ng Shreve & Lamb.
Sa kasalukuyan, binabalangkas ng NCCA at pamahalaang lungsod ng Maynila sa pangunguna Moreno ang isang kasunduan para sa pagdiriwang ng ika-450 anibersaryo ng lungsod sa Metropolitan Theater sa nalalapit na Hunyo.
Noong 2015, nabili ng NCCA ang MET mula sa Government Service Insurance System (GSIS) at sinimulan ang rehabilitasyon at restoration nito, kasama ang National Museum of the Philippines at National Historical Commission of the Philippines na nagkaloob ng kinakailangang technical expertise. Kinonsulta din ang mga kinatawan ng Cultural Center of the Philippines para sa proyekto..
Para sa karagdagang detalye, makipag-ugnayan kay Rene Napenas, head ng Public Affairs and Information Section sa telepono bilang 09285081057 o email na ncca.paio@gmail.com. (AI/MTVN)