Batay sa pag-aaral ng Pulse Asia, maraming mga Pinoy ang nagsasabing sobra na ang pagtaas ng presyo ng bilihin sa pagpasok ng bagong taon.
Ni Tracy Cabrera
MANILA — Habang nagsasagawa ang pamahalaan ng inisyatibong mabawasan ang epekto ng paghina ng ekonomiya sanhi ng pandemya ng coronavirus at mga lockdown, nagparamdam ng pagkabahala ang mga manggagawa sa labis-labis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, partikular na sa pagkain, na lalong nagpapalala sa paghihirap ng mga pamilyang Pinoy.
Hinihiling ngayon ng publiko sa mga awtoridad na tugunan ang problema ng sobrang pagtataas ng presyo upang maibsan ang paghihirap na nararanasan ng bawat pamilya sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Tinukoy ng ilang mga labor group sa Kamaynilaan na sadyang nagtaasan ang presyo ng mga pagkain tulad ng isang kilo ng baboy na ngayo’y katumbas na ng pitong oras na pagtatrabaho para sa isang minimum wage earner at isang kilong repolyo, talong, sitaw o ampalaya na nagkakahalaga ng tatlong oras ng trabaho.
“Kahit ang isang kilong galunggong ngayon ay katumbas ng minimum na sahod para sa kalahating araw at sa labas ng National Capital Region (NCR) ang presyo ng isang kilo ng baboy ay mas mataas pa sa ng minimum wage. Paano makakayanan ito ng mga walang trabaho?” pagtatanong ni Partido Manggagawa (PM) president Rene Magtubo.
Ang kilo ng baboy sa Batangas ay nasa P370 na sa ngayon na ayon sa stall owners ay maaari pang umakyat sa P400.
Ang legislated daily minimum wage sa Kalakhang Maynila ay nasa PhP537 subalit kapag adjusted ito para sa inflation, bumababa ito ng PhP434 (tunay na daily minimum wage).
Ayon kay Magtubo, makikita sa price monitoring report ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang presyo ng karne at gulay ngayong buwan ay tumaas ng 50 hanggang 275 porsyento kung ihahambing noong Enero ng nakaraang taon.
“Kahit pa may parating nang bakuna kontra Covid-19, hindi nito maiwawaksi ang gutom na nararamdaman ng bawat Pilipino,” kanyang pagdidiin.
Ayon naman kay Associated Labor Unions (ALU) vice president Gerard Seno, nagdadalamhati na ang karamihan ng mga manggagawa, lalo na yaong mga tumatanggap lamang ng minimum wage, sanhi ng pagmamahal ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, gulay, karne and liquefied petroleum gas (LPG).
Nanawagan ang ALU sa Kagawaran ng Agrikultura (DA) at Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI) na pababain sa ‘risonableng antas’ ang presyo ng mga bilihin.
“Kinakailangan nang tugunan ng DA at DTI ang problema at tuparin ang kanilang price regulation mandate para mapangalagaan ang karapatan ng mga consumer o mamimili, partikular na laban sa mga profiteer, supply hoarder at middleman na bumibiktima sa retailer at ordinaryong mamamayan,” pagtatapos ni Seno.(AI/MTVN)