MANILA — Natanggap na ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez ang unang iniksiyon ng COVID-19 vaccine sa isang hospital sa Washington D.C.
Ayon sa embahada ng Pilipinas, bakunang gawa ng Moderna ang itinurok sa 73-anyos na si Romualdez ilang araw na ang nakalipas.
“I received the first dose of Moderna’s COVID- 19 vaccine as part of the continuous rollout of Washington D.C.’s phase-based vaccination program days before the inauguration of President-elect Joe Biden and Vice-President-elect Kamala Harris,” wika ni Romualdez sa isang pahayag.
Sinasabing si Romualdez ang kauna-unahang ambassador ng Pilipinas na isinapubliko ang pagtanggap ng COVID-19 vaccine.
Noong nakaraang buwan, inihayag ni Romualdez na handa ang American biopharmaceutical firms na Moderna at Arcturus na mag-supply sa Pilipinas ng apat hanggang 25 milyong dose ng kanilang bakuna.
Nakikipag-usap na rin ang pamahalaan sa iba pang gumagawa ng COVID-19 vaccine gaya ng Pfizer, Novavax, British-Swedish pharmaceutical firm AstraZeneca at Sinovac ng China.
“The creation and deployment of safe and effective vaccines takes us a step closer to defeating this pandemic and restoring our economies,” wika ni Romualdez kasabay ng pagpapasalamat sa pamahalaan ng Estados Unidos, pribadong sektor at World Bank sa kanilang pagtulong sa vaccination program ng bansa. (AI/FC/MTVN)