MANILA — Ayon na rin sa kahilingan ng punong syudad, inilagay ang Tuguegarao City sa ilalim ng enhanced community quarantine kasunod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 cases, ayon sa alkalde nito.
Sa isang panayam, sinabi ni Mayor Jefferson Soriano, tatagal ang ECQ ng 10 araw, mula 12:01 a.m. ng Miyerkules hanggang hatinggabi ng Enero 29.
Maaari pa itong mapalawig kung kinakailangan, ayon kay Soriano.
“Maraming dahilan kung bakit umakyat po ang cases namin. Meron po kaming institutional or workplace transmission. Nagkaroon sa detention centers, 24 sa provincial jail, 14 sa aming Tuguegarao jail. Nahawa din po ang mga pulis natin atsaka ‘yung BFP (Bureau of Fire Protection) na katabi,” wika ni Soriano.
“Dito sa Tuguegarao, 10 days we’ll be able to manage it, nagpromise naman ng support ang DOH (Department of Health) at iba pang national agencies. Kaya na po namin ito,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng ECQ, pinapayagan ang essential travel habang bukas naman ang mga restaurant para sa take out at delivery.
Sa ngayon, ang siyudad ay may 235 aktibong kaso ngunit limitado ang tauhan ng lokal na pamahalaan na magsagawa ng malawakang contact tracing.
“Hanggang primary, first generation lang po kami as of now ‘pag madalian po pero sinusunod po namin ang second generation ‘pag kaunti lang po ang infected ng COVID,” ani Soriano. (AI/FC/MTVN)