MANILA – Pinarangalan kamakailan ng Philippine Red Cross (PRC) ang aktres at pilantropo na si Angel Locsin sa ginagawa niyang pagtulong sa kapwa.
Sa kanyang Instagram account, ibinida ni Angel sang Spirit of Philanthropy award na ibinigay sa kanya ng PRC kasabay ng pagpapasalamat sa organisasyon sa pagkilala.
Isa si Locsin sa mga artistang tumutulong sa kapwa at nagsusulong ng maraming adbokasiya para sa bansa.
Bilang isang ambassador ng PRC, aktibong nakilahok si Angel sa ilang humanitarian programs ng organisasyon.
Noong nakaraang taon, sumama siya sa mga tauhan at volunteer ng PRC para tumulong sa libu-libong pamilya na nawalan ng tahanan dahil sa baha.
Maliban pa rito, aktibo rin si Angel sa Aktor PH, isang organisasyon ng mga artista na tumutulong sa mga nasalanta ng kalamidad.
Noong nakaraang taon, napabilang si Angel sa “Heroes of Philanthropy” ng Forbes Asia dahil sa kanyang pagtulong sa panahon ng kalamidad. (AI/FC/MTVN)