Lapid nais isama ang internet infra sa gov’t road projects

Lapid nais isama ang internet infra sa gov’t road projects

MANILA – Naghain si Senador Manuel “Lito” Lapid ng panukalang nagsusulong na isama ang pagtatayo ng imprastraktura para sa internet sa lahat ng road projects ng pamahalaan.

Layunin ng Senate Bill No. 1990 o “Internet Infrastructure Integration Act” ni Lapid na isang right of way na lang ang gamitin at para maiwasan na rin ang hindi kailangan at paulit-ulit na paghuhukay para sa kable, wire at kahalintulad na pasilidad.

Sa isang pahayag, sinabi ni Lapit na kapag naisama ang Internet Infrastructure Integration program sa Department of Public Works and Highways (DPWH), mas makakamura ang pamahalaan at mas mabilis na ang paglalatag ng internet connection sa iba’t ibang lugar.

“Batid natin ang kahalagahan ng internet lalo sa mga panahong ito. Sa halos lahat ng sektor ay mahalagang may internet connectivity ang ating mga kababayan lalo sa aspeto ng edukasyon, negosyo, komunikasyon at sa maraming uri ng trabaho,” ani Lapid.

“Dapat lang na ang ating gobyerno ay manguna sa pagbuo ng polisiya at mga paraan para masiguro na mas magiging madali ang access ng ating mga kababayan sa internet sa pamamagitan ng pagtatayo ng maraming imprastuktura,” paliwanag pa niya.

Sa panukala, inaatasan ang DPWH na tukuyin ang mga kasalukuyan ginagawa o pinaplano pa lang na mga kalsada, tulad ng farm-to-market roads, local at national roads, bridges, road widening, at road maintenance na maaaring gamitin para sa paglalagay ng imprastraktura para sa internet tulad ng fiber-optic cable gamit ang parehong right of way.

Ayon kay Lapid, sa paraang ito, mas mabilis at matipid ang paghahatid ng serbisyo ng internet sa mga malalayong lugar sa bansa.

“Sa pamamagitan ng isinusulong nating Internet Infrastructure Integration Act ay masisiguro natin na bukod sa mga mga kalsada na bubuuin sa pangunguna ng ating gobyerno, kasabay nito ang pagtatayo din ng mga daan o highway para sa internet connectivity sa ating bansa. Sa pamamagitan din nito, hindi na mahuhuli sa tinatawag na digital age ang Pilipinas,” dugtong ni Lapid. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply