MANILA – Ipinabatid ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Debold Sinas na nais sumuko ng karamihan sa siyam na pulis na kinasuhan kaugnay ng pagpatay sa apat na Army intelligence operatives sa Jolo noong nakaraang taon.
“Actually, we are (now) talking with them. I think five to six cops already want to surrender and we are negotiating. Hopefully before the end of the week, (we will know) who wants to be placed under PNP custody,” wika ni Sinas.
Hindi naman binanggit ni Sinas ang pangalan ng mga nais sumuko ngunit sinabi niya na patuloy ang negosasyon para mapabilis ang paglutang ng mga suspect na kamakailan lang ay sinibak na sa serbisyo.
“Negotiations are ongoing to speed up their surrender so that we can take them into our custody,” dagdag pa ni Sinas.
Naglabas na ng warrant of arrest ang Jolo Regional Trial Court (RTC) laban sa mga dating pulis na sina dating Abdelzhimar Padjiri, Hanie Baddiri, Iskandar Susulan, Ernisar Sappal, Sulki Andaki, Moh Nur Pasani, Almudzrin Hadjaruddin, Alkajal Mandangan; at Pat. Rajiv Putalan sa kasong murder at pagtatanim ng ebidensya.
Kinasuhan sila sa pagpatay kina Maj. Marvin A. Indammog, Capt. Irwin B. Managuelod, Sgt. Jaime M. Velasco, at Cpl. Abdal Asula noong Hunyo 29, 2020.
Kasunod ng kanilang pagkatanggal sa serbisyo, napilitan ang PNP na palayain ang siyam dahil sila’y itinuturing nang mga sibilyan at sa kawalan na rin ng warrant mula sa hukuman nang lumabas ang kanilang dismissal order. (AI/FC/MTVN)