Presyo ng karneng baboy sa NCR tumaas dahil sa mahigpit na supply

Presyo ng karneng baboy sa NCR tumaas dahil sa mahigpit na supply

MANILA – Sumirit ang presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan sa Metro Manila dahil sa African swine fever (ASF), ayon sa Department of Agriculture (DA).

“Mayroon po talagang kakulangan. Unang-una po, may kulang po ang supply ng baboy dahil po bunsod ng ASF,” wika ni DA spokesperson Noel Reyes.

Sa iba’t ibang ulat, ang isang kilo ng liempo ay nasa P420 bawat kilo habang ang pigue at kasim ay ibinebenta ng P400 kada kilo.

Sa ilang pamilihan sa Caloocan, ang kilo ng liempo ay nasa P410, habang nasa P390 ang bawat kilo ng pigue at kasim na halos kapresyo na ng karneng baka.

Dahil dito, bumibili na lang ang ibang namamalengke ng frozen na karneng baboy.

Samantala, nagpadala na ang Department of Trade and Industry (DTI) ng show cause orders sa mga retailer na nagbebenta ng karneng baboy nang higit sa suggested retail price (SRP).

Sinabi naman ni Nicanor Briones, bise presidente ng Pork Producers Federation of the Philippines, na dapat nagdeklara ng state of calamity ng gobyerno sa Luzon dahil dito naitala ang maraming kaso ng ASF.

“Ang talagang malaking epekto kaya naubos ang ating baboy dito sa Luzon at mayroon na rin sa Mindanao at sa Leyte ay dahil dito sa ASF at ang aming computation dito sa Luzon mga 70%, mga 5 million ng mga baboy ang nawawala,” ani Briones. (FC/MTVN)

Leave a Reply