Ni Fitzgerald Cecilio
MANILA – Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 2,178 bagong kaso ng COVID-19 ngayong araw, na siyang pinakamataas na naitala mula noong Nobyembre.
Kaya naman umakyat ang kabuuang bilang ng kaso sa bansa sa 509,887.
Nasa 250 naman ang gumaling mula sa sakit kaya umabot na ang bilang ng recoveries sa 467,720.
Umabot naman ang death toll sa 10,136 nang makapagtala ang DOH ng 20 pumanaw sa sakit.
Nasa 32,031 pa ang aktibong kaso sa bansa.

Ayon sa DOH, hindi umabot sa report ang data mula sa tatlong laboratoryo na nabigong magpadala ng ulat sa oras.
Sa buong mundo, pumalo na sa 98,135,997 ang kabuuang bilang ng kaso, kung saan 70,548,362 ang gumaling habang 2,101,562 naman ang pumanaw.
Sa natitirang 25,486,073 aktibong kaso, 25,374,823 ang nasa mild condition habang 111,250 ang kritikal.
Una pa rin ang Estados Unidos na may 25,196,086 kaso kasunod ang India (10,626,200), Brazil (8,699,814), Russia (3,677,352), United Kingdom (3,543,646), France (2,987,965), Spain (2,560,587), Italy (2,428,221), Turkey (2,412,505) at Germany (2,108,895). (AI/FC/MTVN)