MANILA – Ititigil na ng Japanese car maker Nissan ang operasyon ng assembly plant nito sa Pilipinas dahil sa mahinang benta na epekto na rin ng pangkalahatang pagbagal ng ekonomiya sa buong mundo dahil sa pandemya ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Sa isang pahayag, sinabi ng DTI na ipinarating na ng Nissan ang kanilang plano na isara ang plantang nag-a-assemble ng Almera sedan sa bansa.
May 133 empleyado ang naturang assembly plant ng Nissan sa Sta. Rosa, Laguna.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, inaasahan na ang pagsasara ng assembly plant ng Nissan dahil sa mahinang benta at maliit na bahagi ng Almera sa merkado.
Sa Pilipinas, nasa 4,500 units lang ng Almera ang nabili o halos isang porsiyento lang ng kabuuang merkado.
Karamihan ng benta ng Nissan ay galing sa imported pick-ups at sport utility vehicles (SUVs) nito.
“The announcement of Nissan to close their assembly operations in the country is regrettable, as these developments all the more demonstrate the critical situation of the local motor vehicle industry,” wika ni Lopez.
“Thus, the provisional safeguard measures need to be immediately put in place to protect the domestic industry from further serious injury,” dagdag pa niya.
Nangako naman ang Nissan na bibigyan ng tamang kompensasyon ang mga manggagawang naapektuhan ng pagsasara ng assembly plant.
Tuloy pa rin naman ang operasyon ng marketing at distribution network ng Nissan dahil ang ibebenta nilang units ay galing Thailand at Japan. (AI/FC/MTVN)