MANILA – Nakakalap ang Bureau of Customs (BOC) ng mahigit isang bilyong pisong kita mula sa pag-auction nito ng overstaying containers noong nakaraang taon.
Sa isang pahayag, sinabi ng BOC na dinispatsa ng Assessment and Operations Coordinating Group (AOCG), Auction and Cargo Disposal Division (ACDD) at mga auction at cargo disposal units ng lahat ng collection districts ang kabuuang 3,514 overstaying containers mula Enero hanggang Disyembre 2020.
Umabot ng P1,076,588,805.44 ang kinita ng BOC sa public auction ng 1,898 containers na naglalaman ng iba’t ibang gamit tulad ng TV, tiles, at plywood.
Sinira naman ng BOC ang 1,346 containers at ginawang donasyon ang natitirang 270 containers.
May kapangyarihan ang BOC sa ilalim ng batas na idispatsa ang mga overstaying container. Kabilang dito ang mga container na nakumpiska ng BOC o di kaya’y inabandona ng may-ari.
Sa pagdispatsa ng mga container, sinabi ng BOC na bibilis ang takbo ng proseso sa ahensiya at luluwag ang mga pantalan at container yard. (AI/FC/MTVN)