Junior bantamweight champ Jerwin Ancajas gigil nang lumabang muli

Junior bantamweight champ Jerwin Ancajas gigil nang lumabang muli

MANILA – Gigil nang lumaban si International Boxing Federation (IBF) world junior bantamweight champion Jerwin Ancajas kaya todo ang ensayo niya sa nakatakdang mandatory title defense kontra Jonathan Rodriguez ng Mexico ngayong Abril.

Huling lumaban si Ancajas noong Disyembre 2019 kung saan pinatulog niya si Miguel Gonzalez sa anim na round.

Dapat ay noon pang Abril ng nakaraang taon ang bakbakan nina Ancajas at Rodriguez subalit hindi ito natuloy dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

“Sana wala nang kumplikasyon, gustong-gusto na naming maglaban,” wika ni Ancajas.

Ayon kay Sean Gibbons, pangulo ng MP Promotions, pinaplantsa na ang mga pinal na detalye ng laban, kabilang ang petsa at venue.

“It’s been a struggle getting a date because of the coronavirus. So we’re very happy to get the month, now we’re getting the weekend of the fight,” wika ni Gibbons.

Sa tantiya ni Gibbon, maaaring gawin ang bakbakan sa Los Angeles o sa Connecticut sa Estados Unidos. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply