By Arwen Pascua
MANILA — Hindi magtatayo ng military detachment sa loob ng University of the Philippines (UP) campus kaya wala pa ring sundalo roon kahit pa kinansela na ang kasunduan na “no cops, no troops on campus” o ang UP-DND 1989 Accord.
Ito ang paglilinaw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at sinabing ilusyon lamang ng mga ayaw sa militar ang alegasyong planong pagtatayo ng military detachment sa loob ng campus ng unibersidad.
Taliwas sa mga pinapakalat ng mga kontra sa kanselasyon ng UP-DND 1989 Accord, sinabi ng kalihim na walang layunin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na maglagay ng sundalo sa loob ng naturang unibersidad.
Hindi rin aniya nila puntirya na pigilan ang activism, pigilan ang academic freedom at mas lalong hindi susupilin ang kalayaan ng pamamahayag.
“We do not intend to station military troops inside campuses, we do not wish to suppress activist groups, academic freedom, and their freedom of expression,” ayon kay Lorenzana.
Pagdiriin pa ng kalihim na ang pagkansela ng DND-UP 1989 Accord ay walang nilabag sa kasunduan, hindi rin ito pag-atake sa UP at nais lamang proteksiyonan ang mga mag-aaral at mga kabataan.
Kaugnay nito nagpahayag ng kanilang susporta ang pamunuan ng AFP Northern Luzon Command at Southern Luzon Command maging ang mga major services ng Armed Forces of the Philippines gaya ng Navy, Army, Air Force at maging ang Marines sa pasya ng DND na pawalang bisa ang nasabing kasunduan sa UP. (AI/MTVN)