MANILA – Hindi nagdulot ng malaking pinsala ang magnitude 7.1 lindol na tumama sa Davao Occidental noong Huwebes ng gabi, ayon kay PHIVOLCS officer-in-charge Renato Solidum.
Ayon pa kay Solidum, nakapagtala ang PHIVOLCS ng 15 aftershocks sa ngayon at marami pa ang kanilang inaasahan ngunit hindi na ito mararamdaman.
“Posible pa pong magkaroon ng aftershocks pero karamihan po diyan ay hindi mararamdaman sa sobrang layo ng epicenter ng lindol,” wika ni Solidum.
Natukoy ang epicenter ng lindol, na tectonic ang pinagmulan, sa 05.02°N, 127.66°E – 244 km S 66°E ng Jose Abad Santos sa Davao Occidental. May lalim itong 111 kilometro.
Naramdaman ang Intensity V sa General Santos City, habang Intensity IV naman sa Davao City at Intensity II sa Bisig City at Surigao del Sur.
Wala namang banta ng tsunami kasunod ng pagyanig, ayon pa kay Solidum.
“Pagdating sa lindol, malakas po iyon pero wala namang tsunaming maidudulot kaya naglabas tayo agad ng advisory na walang tsunami threat,” ani Solidum. (AI/FC/MTVN)