DOH: Masyado pang maaga para magdeklara ng community transmission ng UK COVID-19 variant sa bansa

DOH: Masyado pang maaga para magdeklara ng community transmission ng UK COVID-19 variant sa bansa

MANILA – Masyado pang maaga para ideklarang mayroon nang community transmission sa bansa ng bagong COVID-19 strain na unang nakita sa United Kingdom (UK), ayon sa isang health official.

Ito’y sa kabila ng pagkakaroon ng 16 bagong kaso ng UK COVID-19 variant kung saan walang travel history ang ilan.

Sa isang online press briefing, sinabi ni Research Institute for Tropical Medicine director Dr. Celia Carlos na masyado pang “premature” para sabihin na mayroon nang local transmission.

Ayon kay Carlos, may mga pamantayang nilalatag ang mga eksperto para malaman kung mayroon na ngang local transmission, ngunit kailangan pang hintayin ang resulta ng imbestigasyon.

“Considering that investigation is ongoing it may be premature to say whether there’s an ongoing community transmission,” wika ni Carlos.

Kabilang sa mga panuntunang ito ay ang pagtukoy sa malaking bilang ng kaso na hindi maiuugnay sa tinatawag na transmission chains, malaking bilang ng kaso kapag sa ilang panig kung saan may ginagawang surveillance, at maraming kaso na hindi magkakaugnay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Inihayag ng Department of Health noong Biyernes na may 16 bagong kaso ng UK COVID-19 variant sa bansa, labindalawa rito ay naitala sa dalawang barangay sa Bontoc, Mountain Province. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply