Pagsilbi ng search, arrest warrant nauwi sa bakbakan, 13 patay sa Sultan Kudarat

Pagsilbi ng search, arrest warrant nauwi sa bakbakan, 13 patay sa Sultan Kudarat

Ang mga sugatang pulis na dinala sa isang pagamutan

Ni Arwen Pascua

MANILA — Nauwi sa bakbakan na ikinasawi ng 13 katao kabilang na ang isang pulis at pagkasugat ng iba pa ang pagsisilbi sana ng search at arrest warrant ng pinagsanib na pulis at militar sa isang dating barangay captain sa Barangay Limbo, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Nagyari ang bakbakan bandang alas-3 ng madaling araw ng Sabado, Enero 23, 2021.

Sinabi ni Maguindanao Provincial Police Director PCol. Donald Madamba, isa sa kanilang panig ang nasawi at kinilala ito na si Sgt. Reynel Pido habang apat na kasamahan nito mula sa CIDG-BAR ang nasugatan.

Tinungo ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-BAR), kasama ang Special Action Force (SAF) at militar bitbit ang search at arrest warrant laban kay Pendatun Talusan, alyas “Pens” sa nasabing lugar kaugnay sa mga kaso nitong carnapping, homicide, double frurstrated murder at illegal possession of firearms and ammunitions subalit kumasa ito at ang kanyang kasama.

Sinabi ni Madamba na mapayapang isisilbi sana ng awtoridad kasama ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-BAR) at militar ang bitbit nilang warrant laban kay Talusan sa Sitio Torres nang maunang magpaputok ang dating barangay captain.

Napag-alamang minsan nang inambush subalit nakaligtas ang nasabing barangay chairman partiklar na noong Abril 2020.

Kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Cotabato Sanitarium hospital ang apat na sugatang pulis.

Dumating naman ang reinforcement ng Philippine Marines at Philippine Army na tumulong sa CIDG-BAR.

Dahil sa matinding bakbakan ay isinara ang bahagi ng Cotabato-Davao Road habang gumamit na ng dalawang V-300 armored personnel carriers ang awtoridad at saka pinaputukan ang mga tauhan ni Talusan.

Tinamaan din ng mga ligaw na bala ang tatlong sibilyan sa nangyaring engkwentro. Narekober naman ng awtoridad ang samu’t saring matataas na uri ng armas, mga bala, magazine at mga pampasabog. (AI/MTVN)

Leave a Reply