DOH binanggit ang uri ng allergy na hindi puwede sa COVID-19 vaccine

DOH binanggit ang uri ng allergy na hindi puwede sa COVID-19 vaccine

MANILA – Nilinaw ng Department of Health na maaari pa ring magpaturok ng COVID-19 vaccines ang mga taong may allergy sa pagkain basta’t may clearance ng kanilang doktor.

Ito’y sa gitna ng ulat na may allergic reaction sa bakunang gawa ng Pfizer, na una nang nagbabala na huwag iturok ang kanilang produkto sa mga taong may grabeng allergy.

Ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang tinutukoy ng Pfizer ay tinatawag na anaphylactic shock o allergic reaction kung saan ang isang tao ay nahihirapan sa paghinga, bumibilis ang tibok ng puso at namamaga ang lalamunan na bumabara sa daanan ng hangin.

“Yun po talagang main contraindication ng bakuna ay severe allergic reaction. Ibig sabihin po, kapag kayo ay nabigyan ng bakuna in the past o kaya sa component ng bakunang ito ay maaaring magkaroon ng severe allergic reaction,” wika ni Vergeire.

Sinabi ni Vergeire na ang mga allergic sa polyethylene glycol, isa sa mga sangkap ng bakuna ng Pfizer, ay hindi dapat turukan ng nasabing bakuna.

Ang may mga allergy naman sa pagkain o gamot ay maaaring kumuha ng certification mula sa kanilang doktor na maaari silang tumanggap ng bakuna, dagdag pa niya. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply