3 opisyal ng Dengvaxia firm pinaaaresto ng korte

3 opisyal ng Dengvaxia firm pinaaaresto ng korte

MANILA – Iniutos ng isang hukom sa Quezon City ang pag-aresto sa tatlong mataas na opisyal ng Sanofi Pasteur Inc. ang manufacturer ng Dengvaxia, kaugnay ng ilang insidente ng pagkamatay bunsod ng nasabing bakuna.

Ayon kay Persida Rueda Acosta, hepe ng Public Attorney’s Office (PAO), naglabas ng arrest warrant si Judge Jose Bautista Jr. ng Regional Trial Court Branch 107 laban kina Stanislas Camart, Jean Louise Grunwald at Jean Francois Vacherand.

Inilabas ng korte ang warrant matapos mabigong humarap ang tatlong matataas na opisyal ng Sanofi sa kanilang arraignment noong Enero 2021.

Nabigyan na ang National Bureau of Investigation, Philippine National Police at French embassy ng kopya ng warrant, ayon kay Acosta.

Binigyan din ni Acosta ang media ng kopya ng desisyon ni Bautista na nagbasura ng motion to quash information na inihain ng limang akusado na sina Carlito Realuyo, Conchita Santos, Dr. Vicente Belizario Jr., Melody Zamudio at dating Health secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Garin.

Kinuwestiyon ng lima ang hurisdiksiyon ng hukuman ni Bautista, na isang family court.

Itinakda ni Bautista ang pre-trial conference at arraignment ng iba pang akusado sa Marso 3, 2021. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply