MANILA – Umakyat ang bilang ng mga Pilipino sa ibang bansa na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa 14,016 matapos ianunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang 53 na bagong mga kaso.
Sinabi rin ng DFA na 35 pasyente ang gumaling mula sa sakit, na nag-akyat naman sa bilang ng recoveries sa 8,954, habang nanatili naman ang death toll sa 952.
Samantala, may 4,110 Pinoy pa ang sumasailalim sa gamutan.
Batay sa tala ng DFA, 2,781 Pilipino ang nagpositibo sa nasabing sakit sa Asia at sa Pacific region, 784 dito ay nagpapagaling pa, 1,976 ang gumaling habang 21 ang pumanaw.
Sa Middle East at Africa, may naiulat na 7,881 kaso sa hanay ng mga Pilipino, kung saan 2,519 pa ang nagpapagaling.
Ang recovery at death toll naman sa nasabing rehiyon ay 4,754 at 608, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, may 2,518 Pilipino naman ang nagpositibo sa sakit sa Europa, kung saan 707 ay nagpapagaling pa. Sa Americas naman, 836 kaso ang naitala, kung saan 100 pa ang sumasailalim sa gamutan. (AI/FC/MTVN)