Amerikanong sex maniac, 3 kasabwat na Pinoy tiklo sa Angeles City

Amerikanong sex maniac, 3 kasabwat na Pinoy tiklo sa Angeles City

MANILA – Nailigtas ng mga otoridad ang dalawang teenager na babae mula sa sindikatong sangkot sa online sex shows sa Angeles City.

Ayon kay Philippine National Police chief Gen. Debold Sinas, nahuli rin sa rescue operation dakong alas-11 ng gabi ng Martes (Peb 2, 2021) ang Amerikano na nakilalang si Easton Scot Sanderson at mga kasabwat niyang sina Reneilyn Robles, Jann Arielle Mondejar at Shirley Martinez.

Nailigtas naman ng Regional Anti-Cybercrime Unit-3, sa pangunguna ni Police Lieutenant Colonel Nelvin Ricohermoso sa Unit JO3 ng Kandi Towers sa Flora St., Brgy. Malabanias ang dalawang biktima na hindi binanggit ang mga pangalan.

“The PNP is going after traffickers who prey on women for sexual exploitation. We urge the public to report to us similar illegal activities for immediate police intervention,” wika ni Sinas.

Sa imbestigasyon, sinabi ng mga biktima na ni-recruit sila ni Mondejar para sa modeling at photoshoot ngunit nang makaharap na nila si Sanderson ay pinilit silang makipagtalik dito.

Sina Robles at Martinez naman ang kumuha ng video ng pagtatalik para mai-upload sa pornographic sites.

Ayon kay Sinas, nakikipag-ugnayan na sila sa Federal Bureau of Investigation (FBI) para malaman kung saan porn site in-upload ang mga video.

Nahaharap ang mga suspect sa kasong paglabag sa RA 10364 (Anti-Human Trafficking Act) at Section 6 ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply