Ex-Comelec commissioner nababahala sa planong online campaign dahil sa fake news

Ex-Comelec commissioner nababahala sa planong online campaign dahil sa fake news

MANILA — Nagpahayag ng pagkabahala si dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner at election expert Luie Guia ukol sa posibilidad ng gawing online ang kampanya sa 2022 elections dahil sa mali-maling impormasyon na kumakalat sa social media.

“Kasi ang gusto rin natin, bagamat gusto natin makaabot ng sapat na impormasyon sa taong bayan para makapagpili sila ng tama, gusto rin natin na totoong impormasyon ‘yung kanilang makukuha,” wika ni Guia.

“Umiikot ang disinformation usually sa mga social media platforms,” dagdag pa niya.

Una nang sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na balak ng poll body na ipagbawal ang face-to-face campaign sa 2022 elections sa gitna ng pandemya.

Idinagdag pa ni Jimenez na plano rin ng Comelec na magtakda ng mga bagong regulasyon ukol sa online election campaign.

Iginiit naman ni Guia na dapat gamitin ang radio, telebisyon at mga pamphlets sa pagpapakalat ng impormasyon ukol sa plataporma ng mga kandidato dahil marami sa mga Pilipino ay wala pa ring internet connection. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply