DILG inutusan ang PNP na i-escort ang COVID-19 vaccines, vaccination teams

DILG inutusan ang PNP na i-escort ang COVID-19 vaccines, vaccination teams

MANILA – Inutusan ng Department of the Interior and Local Government ang Philippine National Police na bigyang seguridad ang COVID-19 vaccines at vaccination teams upang maiwasan ang anumang pagkaantala.

Sa isang pahayag, sinabi ng DILG na makikipagtulungan ang kapulisan sa local government units (LGUs) para matiyak na makarating ang bakuna sa mga tamang pagbibigyan sa malalayong lugar.

“Ang mga bakuna na ‘yan ay parang ginto lalo na ngayong kulang pa ang supply kaya pinaghahanda natin ang PNP sa anumang insidente,” wika ni DILG officer-in-charge Undersecretary Bernardo Florece, Jr.

“Pagdating sa airport hanggang sa maiturok ang mga ito, kasama na ang ating kapulisan,” dagdag pa niya,

Bago rito, hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Communist Party of the Philippines (CPP) na hayaan ang malaya at ligtas na pagbiyahe ng COVID-19 vaccine, lalo na sa mga lugar na mayroon silang impluwensiya.

Noong Martes, nangako ang CPP na hahayaan nila ng malayang pagbiyahe ng bakuna ngunit hiniling nito sa pamahalaan na huwag gumamit ng mga sasakyan ng militar sa paghahatid nito. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply