BILANG NG PULIS NA PABOR SA COVID-19 VACCINES TUMAAS

BILANG NG PULIS NA PABOR SA COVID-19 VACCINES TUMAAS

Ni ARWEN PASCUA

MANILA — Mas lamang ang bilang ng pabor sa bakuna kumpara sa hindi.
Ito ang lumabas sa survey ng Philippine National Police (PNP) sa 221,000 mga opisyal at tauhan kaugnay sa kahandaang magpabakuna kontra COVID-19.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar, nasa 63 porsyento ng kanilang hanay ang pabor na magpabakuna ngayon kumpara sa 51 porsyento lang nang una silang magsagawa ng survey.

Sinabi ni Eleazar na ginamit nila ang computerized Covid 19 Data (CODA) Application ng PNP para isagawa ang survey, kung saan nakapagbigay din ng rason ang kanilang mga tauhan kung bakit nag-aalinlangan silang magpabakuna.

Karamihan aniya sa mga hindi pabor na magpabakuna ay nagsabi na nais muna nilang makakuha ng karagdagang impormasyon tungkol sa bakuna bago mag desisyon.

Sinabi ni Eleazar, dahil dito ay palalakasin ng PNP ang kanilang information campaign sa pamamagitan rin ng CODA application, upang mabigyan ang mga pulis ng sapat na kaalaman tungkol sa pagbabakuna na makakatulong sa kanilang pagdesisyon.

Giit ni Eleazar, hindi pipilitin ng PNP ang kanilang mga miyembro na ayaw magpabakuna, pero kompiyansa siya na halos lahat ng mga pulis ang papabor din na magpabakuna kinalaunan. (AI/MTVN)

Leave a Reply