Pinakamalaking lungsod sa mundo nasa South China Sea

Pinakamalaking lungsod sa mundo nasa South China Sea

Kinalap ni Tracy Cabrera

MANILA — Alam n’yo ba na matatagpuan sa South China Sea ang pinakamalaki at pinakapambihirang lungsod sa mundo?

Ito ang hinayag ng ulat ng United States Naval War College sa pagtukoy sa Lungsod ng Sansha, na itinatag ng People’s Republic of China noong 2012 para sakupin ang mahigit 800,000 milya kuwadrado ng South China Sea sa loob ng tinatawag na ‘nine-dash line’ na inaari ng Beijing bilang kanilang teritoryo.

Sa pagkonsidera sa laki ng sakop nito, ang Sansha City ay 1,700 beses ang laki ng New York City, at habang ang karamihan ng bahagi nito ay tubig-alat, sakop din nito ang Paracel Islands, na inaari din ng Vietnam at Taiwan, at ang Spratly Islands, na ang karamihan ay inaari din ng Vietnam at Taiwan at maging Pilipinas, Malaysia at Brunei.

At ang City Hall ng lungsod, kung matatawag itong sentro ng pamamahala nito, ay matatagpuan sa Woody Island, isa sa isla ng Paracels. Dating outpost lamang ng China, nagmistulang sentro ng aktibidad ngayon ang Woody Island, batay sa 57-pahinang report na sinulat ng China expert na si Zachary Haver para sa China Maritime Studies Institute ng US War College.

“The island now boasts expanded port infrastructure, seawater desalination, and sewage treatment facilities, new public housing, a functioning judicial system, 5G network coverage, a school, and regular charter flights to and from the mainland,” paglalarawan ni Haver sa kanyang ulat.

At labis pa sa pagpapaunlad sa Woody Island, dine-develop din ngayon ng Sansha City ang turismo sa Paracel Islands para makapag-aya ng pamumuhunan ng daan-daang mga bagong rehistradong kompanya na may kaalaman sa aquaculture bukod sa paghimok ng long-term residency sa lugar, dagdag ng report.

Mayroon ding mga bilangguan at isang korte, na kung saan ay nilitis at pinatawan ng parusa ang dalawang indibiduwal na bumili at nag-transport ng endangered wildlife sa Spratly Islands.

Ang mahalagang katanungan dito ay kung bakit nagpupursigi ang China na makapagpatayo ng isang civilian infrastructure sa matubig na rehiyon na mapapasailalim ng pangangasiwa ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) at semi-militarized coast guard ng Beijing.

Ang kasagutan dito ni Haver ay simple: “China’s system of military-civil fusion is a mechanism to govern contested areas as if they were Chinese territory.”

“The expansion of the city’s party-state institutions allow municipal authorities to directly govern contested areas of the South China Sea and ensures the primacy of Chinese Communist Party (CCP) interests in local decision-making,” ikinatuwiran ng China expert.

Bilang konklusyon, pinunto ni Haver na ang Sansha City—na siyam na taong gulang pa lang—ay katibayan ng determinasyon ng China na “manatili (sa rehiyon) nang pangmatagalan.”

“In entrusting these responsibilities to the municipal party-state and supporting the city’s development, Beijing has revealed that its ambitions extend beyond dominating the South China Sea via CCG [Chinese Coast Guard] and PLA Navy operations. Through Sansha’s system of normalized administrative control, China is gradually transforming contested areas of the South China Sea into de facto Chinese territory,” pagtatapos nito. (AI/MTVN)

Leave a Reply