High-risk areas sa NCR dapat manatili sa GCQ, ayon sa dating NEDA chief

High-risk areas sa NCR dapat manatili sa GCQ, ayon sa dating NEDA chief

MANILA – Naniniwala si dating Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na dapat manatili ang high-risk areas sa Metro Manila sa general community quarantine (GCQ) upang mapigil ang pagkalat ng COVID-19.

Ito ang reaksiyon ni Pernia, dating pinuno ng National Economic Development Authority, sa panukalang lagay ang buong National Capital Region sa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) simula Marso 1 upang mapalakas ang ekonomiya.

Ayon kay Pernia, dapat piliin lang ang mga lugar na ilalagay sa MGCQ at hindi dapat kasama dito ang high-risk areas na marami pang kaso ng COVID-19.

“Hindi puwedeng lahat na lang, parang absolute…. buong Metro Manila. Meron pa ring mga high-risk areas. Hindi dapat magkaroon ng MGCQ. GCQ pa rin dapat,” wika ni Pernia.

“‘Yung mga low-risk areas, towns or cities of Metro Manila, puwede silang mag-MGCQ. Pero ‘yung mga high-risk pa rin, dapat manatili pa rin sa GCQ,” dagdag pa niya.

Bago rito, sinabi ni Navotas Mayor Toby Tiangco na mayorya ng 17 alkalde sa Metro Manila ang pabor sa pagsasailalim sa rehiyon sa MGCQ simula sa susunod na buwan. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply