Mayor Isko, Erap nagkatagpo, nagkumustahan sa kasalan

Mayor Isko, Erap nagkatagpo, nagkumustahan sa kasalan

MANILA — Nagkatagpo ng landas sa isang kasalan at nagkumustahan sina Manila Mayor Isko Moreno at ang kanyang political rival at predecessor na si dating Pangulo at dating Manila Mayor Joseph Estrada kamakailan.

Mismong si Moreno ang nagkumpirma sa pagtatagpo nila ni Erap sa kanyang social media post, na sinamahan pa niya ng isang larawan, kung saan makikita ang dalawa na nagkakamay at kapwa nakangiti.

Ayon kay Moreno, ikinagagalak niya ang kanilang muling pagtatagpo ng dating presidente, na dati rin niyang naging kaalyado, bago nakatunggali at tinalo sa 2019 mayoralty race sa Maynila.

Nagkumustahan aniya sila at natutuwa naman si Moreno na nasa mabuting kalusugan si Erap lalo na ngayong panahon ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Akin pong ikinagalak nang sa isang kasalan ay muli kong nakatagpo ang dating alkalde ng Maynila, si dating pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada,” anang alkalde. “Kinumusta ko po siya, at kinumusta rin niya po ako. Ako po ay nagalak sa kanyang mabuting kalusugan lalo na sa panahong ito ng pandemya.”

Inihayag rin naman ni Moreno na panalangin rin niya na magkaroon ng magandang kalusugan ang publiko at makaiwas sa anumang karamdaman.

“Yan din naman po ang panalangin ko para sa lahat ng mga Batang Maynila at mga Pilipino, ang manatiling ligtas sa pandemya at anumang karamdaman lalo na sa panahong ito,” aniya.

“Kay dating Pangulong Erap, God bless you po. Stay healthy and safe,” dagdag pa ni Moreno. (KIARA LAUREN IBANEZ/AI/MTVN)

Leave a Reply