13 ROFs kabilang sa bagong natukoy na kaso ng B.1.1.7

13 ROFs kabilang sa bagong natukoy na kaso ng B.1.1.7

Ni Jocelyn Domenden

MANILA — Galing ng Middle East ang 13 returning overseas Filipinos (ROFs) na kabilang sa 18 bagong natukoy na UK variant ng SARS-CoV-2.

Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) kung saan batay sa datos, mula sa United Arab Emirates (UAE), Bahrain, at Saudi Arabia ang nasabing mga ROFs.

Dumating sa bansa ang 13 ROFs sa pagitan ng January 3 hanggang 27 na kapwa sumailalim sa quarantine at gumaling na.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng DOH ang naging quarantine ng mga ito at contact tracing.

Matatandaan na galing din ng UAE ang kauna-unahang kaso ng UK variant na natuklasan sa bansa.

Sa ngayon ay mayroon nang kabuuang 62 variant sa bansa ngunit hindi pa rin maikokonsidera ng DOH at mga eksperto na mayroon nang community quarantine sa bansa bagamat sa ibat-ibang rehiyon na naitala ang mga kaso.

Kabilang sa mga kaso ng variant na natuklasan ay 22 kaso sa Cordillera, 3 sa Davao region, 2 sa Calabarzon; at tig-iisa sa Central Visayas, Northern Mindanao, at National Capital Region.

Habang 30 ang mga ROFs, isa ang dumating na foreign national, at isa ang patuloy na bini-beripika ng kagawaran.

Mas pinalawak naman ang ginawang sequencing sa mga samples kung saan ipinag-utos ni Health Secretary Francisco Duque III ang lahat ng regional offices na magpadala ng positive samples na isasailalim sa whole genome sequencing. (AI/MTVN)

Leave a Reply