Kapulisang pumapabor sa Covid-19 vaccination dumarami

Kapulisang pumapabor sa Covid-19 vaccination dumarami

Ni Arwen Pascua

MANILA — Lalo pang dumami at nadagdagan pa nga ang bilang ng mga pulis na nais magpabakuna laban sa coronavirus disease (Covid-19).
Ito’y ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID 19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar.

Mula aniya sa 63 percent noong nakaraang linggo, umakyat na sa 70 percent ang mga gustong magpabakuna na PNP personnel.
Aniya pa, pitong porsyento ang itinaas nito kumpara sa 63 porsyento na naitala nila sa survey nitong nakaraang linggo.

Dahil dito, 30 porsyento na lang ng mahigit 200,000 nilang mga tauhan ang kanilang hihikayatin na magpabakuna.

Iniuugnay naman ni Eleazar ang pagtaas ng kumpyansa ng mga tauhan ng PNP sa bakuna sa epektibong information campaign patungkol sa advantage sa pagkakaroon ng bakuna.

Matatandaang iniulat ni Eleazar na maraming mga pulis ang nagsabi na gusto muna nilang makakuha ng karagdagang impormasyon tungkol sa bakuna bago mag desisyon.
Pero, muli ay sinabi ng opisyal na hindi pa rin nila pipilitin ang kanilang mga miyembro na ayaw magpabakuna. (AI/MTVN)

Leave a Reply