PSL balik-aksiyon na sa Beach Volleyball Challenge Cup sa SBMA

PSL balik-aksiyon na sa Beach Volleyball Challenge Cup sa SBMA

MANILA – Nakatakdang gawin ng Philippine Superliga (PSL) ang una nitong kompetisyon sa 2021 sa pamamagitan ng Beach Volleyball Challenge Cup, na raratsada ngayong Biyernes sa sand courts ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Walong koponan, kabilang ang guest squad na Kennedy Solar Energy-PetroGazz, ang kasali sa torneo na gagamit ng bubble setup sa Subic.

Ang nasabing event ay inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), sa pamamagitan ng Resolution 79.

Ang torneo ay gagawin sa parehong venue na ginamit sa 30th Southeast Asian Games noong Disyembre 2019.

“We want to thank the teams, especially our guest team PetroGazz, for helping us restart our beach volleyball tournament using a bubble setup,” wika ni PSL chairman Philip Ella Juico.

“We also want to thank the IATF Region 3 and the SBMA for supporting us and making sure that our delegates, especially the athletes, will be safe from contracting coronavirus disease,” dagdag pa niya.

Dalawang koponan ang isinabak ng Sta. Lucia — ang pares nina Bang Pineda at Jonah Sabete, at DM Demontano at Jackie Estoquia.

Ang F2 Logistics naman ay isinabak sina Jenny Mar Senares at Kyla Angela Gallego habang lalaro para sa Chery Tiggo sina Ella Viray at Theresa Ramas.

Ipaparada naman ng Kennedy Solar Energy-PetroGazz ang parers nina Ariane Luna Alarcon at Christina Canares.

Kasali naman sina Alexa Polidario at Erjan Magdato para sa Abanse Negrense 1, Jennifer Cosas at Gelimae Villanueva para sa Abanse Negrense 2, at Jonah San Pedro at Javen Sabas para sa Toby’s Sports. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply